January 23, 2025

NATUKLASANG BUNGONG MAY SUNGAY, LUMULUHA, UMIINIT AT NAGDUDULOT NG SAKIT

Isang kagilas-gilalas na bungo ng tao na may sungay ang natuklasan noon sa New Mexico sa isinagawang paghuhukay ng mga arkeyologo. Paniniwalan nila na ang nadiskubreng bungo ay kay Satanas.

O dili kaya’y sa isang demonyo na nagbalatkayo bilang tao. Ayon naman sa ilang mga Bible experts, ang naturalesa ng demonyo o kahit si Satanas ( ang diyablo) ay espiritu.

Kung kaya, hindi maaaring sabihing sa kanila mismo ang bungo. Kundi, isang paggamit ng kapangyarihang magbalatkayo’t upang paniwalain na ang karaniwang demonyo ay may sungay nga.

Ayon sa medical authorities sa Budapest sa bansang Hungary, na silang sumuri sa nasabing sinister artifacts, naniniwala sila na bungo mismo ng demonyo na namatay sa misteryosong karamdaman.


Paniwala nila, ang bungo ay mula sa demonyong si Semai na pinatay aniya ni Arkanghel Miguel, may 2,000 taong mahigit na ang nakalilipas.


Natuklasan ang bungo sa kabundukan sa Mexico at inilagak sa high-security laboratory sapol pa noong 1993. Subalit, nakitaan ito ng misteryosong tanda at pagpapahiwatig, kung saan dumadaloy ang luha mula rito.

Ayon kay Dr. Ervin Veres, na siyang nag-aral sa pisikal na manipestasyon ng mga demonyo, halos 7 taon niyang pinag-aralan ang bungong may sungay.


Pero ang kakatwa, umiinit ang bungo at may lumalabas na usok mula rito. Tinatala nila ang temperature ng bungo at natuklasang hindi nagbabago sa 100 digri Fahrenheit. Mas mainit umano sa normal na temperature ng katawan ng tao.

Subalit, noong taong 2000, naitala na lalo pang umiinit ang bungo. Ang nakagugulat pa, umabot ang temperature nito sa 2,337 degrees Fahrenheit, katumbas ng 11 beses na init ng kumukulong tubig.


Kapag idinikit ng matagal ang bakal o inilagay ang bakal sa bungo ay unti-unti itong natutunaw. Kung kaya, nagpasya si Dr. Veres at ang kanyang grupo na ilagak ito sa Titanum chamber.

Ang nakakagulat pa, ang mga empleyado ng naturang laboratory, kung saan nakalagak ang bungo ay pawang nagkasakit.Ang mga bata naman sa paligid o malapit sa bisinidad nito ay kakatwang nilalagnat, inuubo at nanginginig ang kalamnan. Ani Veres, hindi aniya sanhi ito ng virus at baktirya. Iyon din ang patotoo ng mga nagsuring doktor sa kanila.