June 21, 2024

INA NILAMON NG BUO NG SAWA

NATAGPUAN ang katawan ng nawawalang babae sa loob ng higanteng sawa sa Indonesia.

Huwebes ng gabi nang mawala ang biktimang si Farida, 45, may apat na anak. Nadiskubre ang kanyang katawan sa loob ng tiyan ng sawa ng kanyang asawa at mga residente ng Kalempang village sa South Sulawesi province.

Naghinala ang kanyang asawa matapos matagpuan ang gamit ng biktima sa isang damuhan. Kaya naghanap ang mga residente sa naturang lugar. Nang biglang sumulpot ang isang sawa na may malaking tiyan.

Pinatay nila ang sawa at binuksan ang tiyan nito. Dito agad bumulaga ang ulo ni Farida.

Buo pa ang suot na damit ni Farida nang makita ito sa loob ng ahas.

Hindi karaniwan ang nasabing insidente sa Indonesia bagaman ilang tao na ang naiulat na nilulon ng sawa sa mga nakalipas na taon.

Noong 2023, kinatay ng mga taga-Tinanggea sa South Sulawesi ang walong-metrong sawa nang makitang kinakain nito ang isang magsasaka.

Isang 54-anyos na babae naman ang natagpuan sa loob ng pitong-metrong sawa sa bayan ng Muna sa South Sulawesi pa rin noong 2018. Bago iyon, noong 2017, isang magsasaka ang kinain nang buhay ng apat na metrong sawa sa West Sulawesi.