May 18, 2024

Motorcycle driver patay sa bundol ng van

PATAY ang isang 31-anyos na motorcycle driver matapos mabangga ng isang aluminum van sa Malate, Manila kaninang madaling araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital matapos magtamo ng sugat sa ulo at katawan ang biktimang si Nelson Mendez, marketing officer ng Medical Laboratory and Diagnostic Services at nakatira sa 1920 Dagonoy St., Sta. Ana, Manila.

Samantala inaresto ng mga tauhan ng Manila Traffic Enforcement Unit si Reland Deviente, 24, company driver ng ABC Global Cargo Movers Incorporated at nakatira sa Bagtas, Tanza, Cavite.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-1:23 ng madaling araw sa panulukan ng Adriactico Street at Pedro Gil Street sa Malate.

Binabagtas ng biktima ang kahabaan ng nasabing lugar sakay ng kanyang orange na Yamaha Mio (BB36) nang mabangga siya ng closed van (ABC 7560) na minamaneho ng suspek.

Agad isinugod ng concerned bystanders ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay. Kinasuhan ang suspek ng reckless imprudence resulting in homicide.