May 4, 2024

Company driver nilikida ng bala

Kuha mula sa Manila City Public Information Office

PATAY nang pagbabarilin ang isang company driver sa Lagusnilad underpass sa Padre Burgos Street, Ermita Maynila nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Nelbert Casido, ng Legarda St., Sampaloc, Maynila, na sinasabing nagtatrabaho sa isang Chinese businessman. Nakasuot ito ng blue t-shirt at natagpuang nakahandusay sa kanal sa kahabaan ng Lagusnilad.

Ayon sa ulat ng Manila Police District-Station 5, naganap ang pamamaril sa lugar dakong alas-5:15 ng gabi.

Kasama ng biktima sakay ng isang Fortuner ang dalawang babae nang harangin sila ng apat na lalaki na nakasuot ng face mask at bullet vest lulan ng puting Toyota Innova.

Pinaptukan ng dalawang beses ng isa sa mga salarin ang harap ng windshield, habang binasag naman ng kasabwat nito ang bintana ng kotse gamit ang dumbbell at pinalabas sa sasakyan ang biktima. Binaril sa ulo ang biktima na agad niyang ikinasawi.

Agad tumakas ang mga suspek patungo sa southbound lane ng Taft Avenue.

Nakaligtas sa insidente naman ang dalawang babae na kasama ng biktima.

Patuloy na iniimbestigahan ni P/Staff Master Sgt. Bernardo Cayabyab ng MPD-homicide section, ang nasabing pamamaslang upang matukoy ang motibo at makilala ang mga suspek.