
CALOOCAN CITY — Naaresto na sa wakas ng mga operatiba ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 ang isang lalaki na kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons ng lungsod para sa kasong carnapping, matapos ang mahigit isang dekadang pagtatago.
Dakong 11:50 ng umaga ngayong Huwebes, Hunyo 26, 2025, natimbog si alyas “Eddie”, 48 anyos, sa Barangay 146, Caloocan City, batay sa warrant of arrest na inilabas ni Hon. Judge Eleanor R. Kwong ng RTC Branch 128, Caloocan City, noong Oktubre 23, 2013.
Ang warrant ay may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 6539 o Anti-Carnapping Law, sa ilalim ng Criminal Case No. C-90537, na may inirekomendang piyansa na ₱180,000.00.
Isinagawa ang pag-aresto sa Bagong Barrio Custodial Facility Unit sa kanto ng Malolos Avenue at G. De Jesus Street, gamit ang Alternative Recording Device (ARD), alinsunod sa Supreme Court’s A.M No. 21-06-08-SC, na nag-aatas ng paggamit ng body-worn cameras sa mga operasyon ng pag-serve ng warrant.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bagong Barrio Custodial Facility ang suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa return of warrant sa korte.
Pinuri ni PBGen. Arnold E. Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD), ang Caloocan City Police Station sa mabilis at maayos na operasyon.
Samantala, ayon kay PMGen. Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, ang tagumpay na ito ay patunay ng bisa ng AAA Strategy ng kanilang hanay—Able, Active, and Allied—na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga pulis, itaguyod ang mas agresibong pagpapatupad ng batas, at palakasin ang ugnayan sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.
More Stories
Construction worker na nanloob sa bahay ng birthday celebrant sa Antipolo, kalaboso
MAYOR ISKO: PATULOY ANG ‘PALILIGO’ NG MGA KALSADA SA MAYNILA; CURFEW SA MINOR IPATUTUPAD
Mega Job Fair