
MARIKINA CITY — “Nanaig ang demokrasya.” Ito ang pahayag ni Congressman-elect Marcy Teodoro matapos aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang kanyang Consolidated Motions for Reconsideration, na tuluyang nagbukas ng daan para sa kanyang opisyal na proklamasyon bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina City.
“Tagumpay ito ng mamamayan ng Marikina. Kinikilala ng desisyong ito ang pagiging balido ng aking Certificate of Candidacy (COC) at pinatutunayan nitong walang anumang misrepresentasyon o pag-abandona sa aking tirahan sa First District,” ani Teodoro sa isang pahayag nitong Huwebes, Hunyo 26.
Ayon kay Teodoro, nanatiling matibay ang kanyang koneksyon—pampamilya, panlipunan, at politikal—sa Barangay San Roque, kung saan malinaw umano niyang napatunayan ang kanyang aktuwal at pisikal na paninirahan.
“Wala nang balakid para sa aking proklamasyon bilang tunay na inihalal na kinatawan ng ating distrito,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Teodoro na ang naging pasya ng Comelec ay patunay na ang boses ng mamamayan ang dapat manaig:
“Ang taumbayan ng Marikina ang siyang tunay na nagwagi. Maraming salamat sa inyong tiwala at suporta.”
Sa kanyang pagtatapos, muling iginiit ni Teodoro ang kanyang panata sa mga Marikeño: “Magpatuloy tayo sa sama-samang pag-usad tungo sa mas progresibong lungsod. Maraming salamat, mga kapwa kong mamamayan ng Marikina.”
