ARESTADO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng pagpatay sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Northern Police District (NPD) hinggil sa pinagtataguang lugar sa Caloocan ng 40-anyos na akusado.
Nabatid na ang akusado ay nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Valenzuela City Police. Kabilang umano ang akusado sa mga suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa lungsod noong 2022.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng DMFB ang akusado sa Zabarte Road, Phase 1, Barangay 176-A, Caloocan City.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Article 248 of the Revised Penal Code (Murder) na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 284, noong December 2, 2022 na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
