Nagsimula nang maglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga crash guard sa mga accident-prone area sa Metro Manila upang mabawasan ang pinsala at mga nasasaktan o namamatay tuwing may naaaksidenteng sasakyan sa kalsada.
Ipinatupad ng MMDA ang naturang hakbang kasunod ng mga insidente ng pagbangga ng mga sasakyan sa mga konkretong harang at poste na madalas nagdudulot ng malubhang sugat o pagkasawi.
Napatunayan ang epekto ng pasilidad sa Tandang Sora Avenue kung saan sumalpok ang isang trak sa nakakabit na crash guard. Bagama’t nayupi at napinsala ang aparato, ligtas at buhay na nakalabas ang drayber nito.
“Dahil effective nga ‘yung crash guard… hindi po siya nasira as compared kung bumangga lang siya sa ordinary poste, or sa concrete post or sa metal post,” pahayag ni MMDA Chairperson Romando Artes.
Paliwanag pa ni Artes, pinalalambot ng crash guard ang epekto ng aksidente dahil ito ang umaabsorb sa lakas ng impact sa halip na deretsong tumama sa mismong sasakyan at mga pasahero nito.
Inilagay ang kauna-unahang crash guard ng ahensya sa kahabaan ng C-5. Ang proyektong ito ay bahagi ng road safety action plan na kinatutulungan ng World Health Organization (WHO).
Batay sa tala ng MMDA, pumalo sa average na 445 ang namamatay taun-taon dahil sa mga aksidente sa kalsada sa Metro Manila. Layunin ng installing ng mga crash guard na mapababa nang hindi bababa sa 35% ang bilang ng mga nasasawi sa road crashes bago sumapit ang taong 2028.
