May 5, 2024

MMA FIGHTER, 4 PA HULI SA DRUG BUST SA LAGUNA

San Pedro, Laguna – Swak sa kulungan ang isang Mix Martial Arts Fighter na sinasabing nag-o-operate ng isang drug den matapos itong masakote kabilang ang apat na iba pa sa inilatag na anti-illegal drug bust operation ng mga operatiba ng Pdea Laguna Provincial Office bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong Huwebes sa Blk 24, Lot 11 Our Lady of Grace St., Rosario Complex, ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang MMA fighter na suspek na si Jose Carlo Castillo, 27, at sina Ceejay Huzky Cinco, 19, Chino Dela Rama, 25, at Janet Mikeila Lopez, 34, at si Christopher John Arceno, 23, mga residente sa nasabing bayan.

Base sa report na ipinadala ni Pdea Region 4A Regional Director Jigger Montallana kay Pdea Director General Wilkins Villanueva, nadakip ang mga suspek matapos makabili ng iligal na droga ang isang pdea agent na nagpanggap na poseur buyer sa bahay ng suspek na si Castillo.

Nasamsam sa posisyon ng mga suspek ang 150 grams ng mga pinaghihinalaang “kush” o high grade na marijuana na nagkakahalaga ng P216,000, mga drug paraphernalia,  dalawang unit ng cellular phones at ang ginamit na buy-bust money. Pansamantalang nakaditine na ngayon sa opisina ng Pdea Laguna detention cell ang mga suspek habang inihahanda sa korte ang kanilang mga kasong kakaharapin na meron kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act. of 2002. (Koi Hipolito)