May 6, 2024

Miyembro ng carnapping group na wanted sa robbery, nasakote sa Caloocan

SWAK sa kulungan ang isang miyembro ng “Limos Carnapping Group” na listed bilang top 10 most wanted sa Pasig City matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr ang naarestong akusado bilang si Romeo Catalan alyas “Estong”, 36, (Miyembro ng Limos Carnapping Group) at residente ng Barangay Maybunga, Pasig City.

Ayon kay Col. Peñones, nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU-NPD) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Erosito Miranda ng impormasyon na naispatan ang presensiya ng akusado sa Bagong Silang, Caloocan City.

Kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Major Joseph Ulfindo at P/Capt. Melito Pabon, kasama ang NDIT RIU-NCR, RID-NCRPO, DID-NPD, at HPG-NPD ng joint intel-driven operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Catalan dakong alas-10 ng umaga sa kahabaan ng Phase 5 Package 3, Brgy. 176, Bagong Silang.

 Ani P/Col. Miranda, si Catalan ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Cheryl Laqui Ceguera ng Regional Trial Court (RTC) Branch 268 ng Pasig City para sa kasong Robbery.