May 17, 2024

Mister tigbak sa trailer truck sa Navotas

TODAS ang isang mister matapos masagi ng isang trailer truck ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Ramon Sapinosa, 54, STL agent at residente ng Blk 50 Lot 9, Babanse St., NBBS kaunlaran.

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulted in Homicide ang driver ng trailer truck na kinilalang si Jude Jintalan, 30, ng Saint Rose 3, Brgy San Antonio, Biñan City Laguna.  

Sa ulat ni PSSg Edison Mata kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, naganap ang insidente sa kahabaan ng M.Naval St., Brgy Bangkulasi, Navotas City dakong alas-9:20 ng gabi.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na kapwa tinatahak ng biktima at ng suspek ang kahabaan ng nasabing lugar nang masagi ng kanang harapan gulong ng trailer truck na minamaneho ni Jintalan ang motorsiklong minamaneho naman ni Sapinosa.

 Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima na naging dahilan upang isugod sa nasabing pagamutan habang inaresto naman si Jintalan ng rumespondeng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3.