TODAS ang 32-anyos na mister habang malubhang nasugatan ang kanyang asawa nang salpukin ng nag-counter flow na pampasaherong jeep habang sakay ang mag-asawa sa motorsiklo sa Caloocan City.
Naisugod pa ng mga nagrespondeng Barangay Rescue Team ang rider at ang 29-anyos niyang maybahay subalit, binawian din ng buhay ang lalaki sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Isasailalim naman sa ikalawang operasyon ang ginang araw ng Martes matapos ang matagumpay na operasyon sa paa, makaraang makita ang bali sa balakang at kaliwang braso.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng malawakang pagtugis ang pulisya laban sa tumakas na driver ng pampasaherong jeep makaraan ang malagim na aksidenteng naganap sa kahabaan ng Capt. F.S, Samano Road, Brgy, 175 Camarin.
Batay sa kuha ng CCTV, nakita ang pagewang-gewang na takbo ng pampasaherong jeep hanggang mag-counter flow at salpukin ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ng rider na maghahatid lang sana sa kanyang asawa sa trabaho.
Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang mag-asawa at nawasak ng husto ang kanilang motorsiklo habang nasadsad sa gilid ng kalsada ang pampasaherong jeep bago tumakas ang driver nito.
Ayon sa pulisya, kilala na nila ang driver ng jeepney habang nagpadala na rin ng konting tulong sa mga biktima ang operator nito.
Bukod sa ginang, naulila ng pumanaw na mister ang dalawa nilang menor-de-edad na anak na babae na may edad na 13 at apat. (JUVY LUCERO)
