Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules sa Kapihan sa Manila Bay forum na ipapatawag si Senador Francis “Chiz” Escudero sa susunod na linggo upang ipaliwanag ang P30 milyong campaign donation na natanggap niya mula sa isang kontratista para sa kanyang 2022 senatorial bid.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, maglalabas ng show cause order (SCO) laban kay Escudero matapos lumapit sa poll body ang legal counsel ni Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., na umaming siya ang nagbigay ng nasabing donasyon.
“Ngayong linggo na ito, ‘yung kandidato na nabigyan ng contractor ay may sulat na po siya para mag-appear sa susunod na linggo,” pahayag ni Garcia.
Nauna nang sinampahan ng SCO si Lubiano upang ipaliwanag ang kanyang donasyong nagkakahalaga ng milyon-milyon at sagutin kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng election offense sa ilalim ng Section 95 ng Omnibus Election Code (OEC).
Nakasaad sa Section 95 ng OEC na ipinagbabawal ang pagbibigay ng kontribusyon mula sa mga indibidwal o kompanyang may kontrata sa gobyerno, kabilang ang pagbibigay ng serbisyo o pagganap ng mga proyekto ng pamahalaan.
Ang Centerways Construction ay kabilang sa 15 kontratista na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng halos 20% ng flood control project contracts ng pamahalaan.
Sa isang pagdinig sa Kamara, inamin ni Lubiano na nagbigay siya ng P30 milyon kay Escudero noong 2022, ngunit iginiit niyang ito ay mula umano sa kanyang personal na pondo.
Nilinaw naman ni Garcia na hindi lamang si Escudero ang iniimbestigahan ng Comelec. Ayon sa kanya, kasama rin sa listahan ang Pangulong Marcos at Pangalawang Pangulong Sara Duterte, base sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nagsabing tumanggap din sila ng milyon-milyong pisong kontribusyon mula sa mga kontratista ng gobyerno.
Kinumpirma ng Malacañang na handang sumailalim si Marcos sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y ilegal na campaign contributions. (MINA PADERNA)
