Nanindigan ang mga complainant na sapat at matibay ang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kabila ng naging desisyon ng House Justice Committee na ibasura ito dahil sa kawalan ng “sufficiency in substance.”
Ayon kay dating Representative Liza Maza, malinaw ang pagkakalahad ng mga katotohanan sa kanilang reklamo na tumutukoy sa mga impeachable offense, lalo’t kumpleto ito sa mga attachment at supporting evidence.
Dahil sa pagkaka-dismiss ng komite, inilarawan ni Maza na tila isang malaking milagro na lamang kung sakaling mabaligtad pa ang desisyon ng Kamara.
Sinegundahan ito ni dating Representative France Castro na nagsabing napakaliit na ng tsansa na mabago ang pasya ng mga mambabatas sa puntong ito.
Sa isang mas matalas na pahayag, inihalintulad naman ni dating Representative Mike Defensor ang sitwasyon sa isang talinghaga.
Ayon sa kanya, mas madali pang makalusot ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa asahang aaprubahan ng Kongreso ang impeachment laban sa Pangulo.
Ang usaping ito ay sumulpot sa gitna ng mga ulat na nananatiling negatibo ang ratings ni PBBM sa fourth quarter ng 2025 base sa datos ng SWS.
