April 29, 2024

Mga motorsiklo papayagan na dumaan sa bike lane sa Valenzuela

INIHAYAG ni Valenzuela City Mayor WES Gatchalian na papayagan na ang mga single motorcycle na dumaan sa bike lane sa lungsod simula December 25, 2022.

Ito’y base sa nilagdaang City Ordinance No. 1064, Series of 2022, kung saan ang mga single motorcycle ay puwede na gamitin ang bike lane sa kahabaan ng Mc Arthur Highway simula Lunes hanggang Biyernes lang.

“Ito po malamang ay Christmas gift na rin natin sa ating mga motorista. Papayagan na pong dumaan ang mga single motorcycle sa designated bike lane natin sa Mc Arthur Highway,” pahayag ni Mayor WES.

Gayunman, pinaalalahanan ng alkalde ang mga nagmomotorsiklo na dapat ay hanggang 20 kilometro-per-hour lamang ang speed limit ng pagpapatakbo ng motorsiklo kung dadaan dito.

Samantala, hindi naman papayagan ang mga tricycle at pediceb drivers na dumaan sa kahabaan ng Mc Arthur Highway.

Dagdag niya, ito ang naisip na sulusyon ng pamahalaang lungsod upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong kapaskuhan.