May 17, 2024

Mga fans lalong humanga…NORA AUNOR, TAHIMIK NA TUMULONG SA MGA TAONG NANGANGAILANGAN NGAYONG MAY PANDEMIC

NANG dumating ang share ni Superstar Nora Aunor na ani ng kanilang palayan sa Iriga, City, kanya itong hinati-hati upang ipamigay sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Sinamahan na niya pa ito ng bigas, kape, delata at  noodles. Tumulong din ang mga loyal na mga Noranians ni Ms. Nora sa pag-eempake ng kanyang ipamimigay na relief goods.

“Alam n’yo naman si Nora Aunor, may kusang-palo iyan. Likas na kay Nora ang tumulong sa kanyang kapwa. Hindi mo na siya sasabihan pa, at nagkukusa na lamang ito sa kanyang pagtulong. Hindi rin siya iyong tipo na dapat may kamera o reporter na nakapaligid, hindi siya ganoon. Mas gusto niyang tumulong ng hindi hayag, iyon siya,” kwento ng mga Noranians sa inyong lingkod.

Kahit naiinip na ang mga fans ni Nora Aunor, sa pagre-resume nang taping ng kanyang serye na ‘Bilangin ang Bituin sa Langit’ ay naunawaan naman ng kanyang mga fans ang buong sitwasyon. Isa pa Senior na si Ate Guy, kaya pinakikiramdaman din niya ang lagay ni Ms. Aunor.