January 23, 2025

Mga dating solvent boys sa Divisoria ngayon frontliner na!

Nagroronda sa Divisoria sa Maynila sina Ralph Acebedo, Jamil Macilad at Jovert Apigo na dating mga solvent boys sa naturang lugar upang ipalala sa publiko ang kahalagahaan ng pagsusuot ng face mask at social distancing. (Kuha ni NORMAN ARAGA).

KUNG dati perwisyo ang tingin ng iba sa mga dating ‘solvent boys’  na sina Ralph Acebedo, Jamil Macilad at Jovert Apigo, iba na ngayon  dahil maituturing na rin silang mga bayani.

Ito’y matapos nilang sunggaban ang oportunidad sa nangyayaring COVID-19 pandemic sa ating bansa upang mapabuti ang kanilang pamumuhay at makatulong sa ating mga kababayan.

Boluntaryo na nila ngayong tinutulungan ang ating mga awtoridad sa pagpapatupad na health protocols sa Divisoria.

Ang mga ‘solvent boys’ ay tumutukoy sa mga batang-kalye na karaniwang makikita sa mga lansangan na humihithit ng rugby.

Ayon kay Police Master Sergeant Gerry Tubera ng Dagupan Police Community Precinct, ang tatlo ay nahuli nila noon dahil sa pagso-solvent pero nagbagong buhay na at nagboluntaryong tumulong.

“Ang sabi kasi nila matapos nilang makalaya, nag-serve ng sentence sila,  sabi nila, Sir, puwede ba kaming bumalik dito? Sabi ko nasa sa inyo naman ‘yan. Kung babalik kayo dito ay malaking bagay sa amin iyan kasi makakatulong kayo,” ayon kay Tubera.

“Nung nakalaya nga sila, nagulat na lang kami, andiyan sila, bumalik. Sabi, Sir magsisimula na po kami. Syempre sino ba naman kami para di sila tanggapin?”  dagdag pa niya.