MANANATILI sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa Metro Manila, nasa ilalim pa rin ng GCQ ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu, Lapu-Lapu City, Mandaue City, bayan ng Minglanilla at Consolacion sa lalawigan ng Cebu, at Zamboanga City magmula Agosto 1 hanggang 15.
Samantala ang nalalabi pang bahagi ng Pilipinas ay isinailalim sa modified general community quarantine.
Nagpaalala si Duterte sa publiko na obserbahan ang pag-iingat gaya ng social distancing.
“Konting ingat lang. Do not mix together,” aniya sa kanyang televised address, kung saan nabanggit niya rin ang maraming hawaan ng naturang virus sa National Capital Region na nakapagtala ng may pinakamaraming kaso.
Kumpiyansa rin si Duterte na malalampasan natin ang krisis sa COVID-19 sa Disyembre dahil sa inaasahang bakuna na manggagaling sa China.
“By December, we would be back to normal. By December, tapos ito lahat,” saad niya.
Una aniyang ipaprayoridad ang mga mahihirap kapag puwede nang magamit ang bakuna ng lokal.
Para sa Metro Manila at CALABARZON, magpapatuloy pa rin ang pagpapatupad ng localized lockdown sa mga barangay na may mataas na kaso ng COVID-19.
Magsasagawa din ang gobyerno ng massive targeted testing.
Una nang nagkasundo ang mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila na manatili ang pag-iral ng GCQ sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE