Upang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa bahagi ng Laguna at Batangas, pinahusay ng Manila Electric Company (Meralco) ang Calamba 230 kilovolt (kV) -115 kV Delivery Point Substation nito.
Pinangunahan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, ang proyekto ay kinabibilangan ng pag-install ng ikatlong 300 megavolt ampere (MVA) power transformer, pati na rin ng mga 115 kV at 230 kV Gas Circuit Breakers at mga protection at control panels.
Ayon sa Meralco, layunin ng modernisasyong ito na mapatatag ang serbisyo ng kuryente at maiwasan ang aberya sa suplay, lalo na sa mga pangunahing establisyimento tulad ng SM City Calamba, SM City Sto. Tomas, Mariwasa-Siam Ceramics Inc., Calamba Doctor’s Hospital, Philippine Manufacturing Co. of MURATA Inc., STMicroelectronics Inc., at Samsung Electro-Mechanics Philippines Corporation, gayundin sa mga kalapit na komunidad.
Bilang bahagi ng kanilang patuloy na commitment sa maaasahan at de-kalidad na serbisyo, tiniyak ng Meralco na magpapatuloy ito sa pagpapalawak at modernisasyon ng kanilang distribution system upang mapanatili ang matatag na suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupan. (Mina Paderna)
