PATULOY ang hakbang ng Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, sa pagpapaunlad ng kaalaman ng mga Pilipino sa larangan ng nuclear energy matapos itong magpadala ng panibagong batch ng mga iskolar sa ilalim ng Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering (FISSION) program.
Layunin ng programa na sanayin ang mga lokal na inhinyero upang magkaroon ng sapat na kakayahan at karanasan sa nuclear engineering, bilang paghahanda sa posibleng pagpasok ng bansa sa paggamit ng nuclear energy.
Kasalukuyang kalahok sa programa ang pitong engineer mula sa Meralco at Meralco PowerGen Corporation (MGEN) na kinabibilangan nina Rachelle Gesmundo-Varias, Regino Hibaler, Eljhon Capili, Keith Danae Suquib, Dennmarc Marcaida, Eljan Javellana, at Raymund Grant Pagulong.
Sina Capili at Suquib ay lumipad patungong France upang mag-aral ng Master in Nuclear Engineering sa Université Paris-Saclay, habang sina Gesmundo-Varias at Hibaler naman ay nagsimula na ng kanilang Master of Engineering in Nuclear Engineering sa Ontario Tech University sa Canada. Samantala, sina Marcaida, Javellana, at Pagulong ay nakatakdang bumiyahe sa KEPCO International Nuclear Graduate School sa South Korea sa unang quarter ng 2026.
Tulad ng unang batch ng FISSION scholars na ipinadala noong 2024 sa University of Illinois Urbana-Champaign sa Estados Unidos at Harbin Engineering University sa China, ang mga bagong iskolar ay sasailalim din sa internship sa mga kompanyang may advanced nuclear technology bago bumalik sa bansa upang ipraktis ang kanilang mga natutunan.
Ayon sa Meralco Power Academy (MPA), layunin ng FISSION program na makabuo ng pool ng mga eksperto sa nuclear field na mag-aambag sa hinaharap na nuclear energy program ng Pilipinas.
Nakipag-partner ang MPA sa mga kilalang unibersidad sa buong mundo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga iskolar na makagamit ng mga makabagong laboratoryo, makibahagi sa pananaliksik sa small at micro modular reactors, at magkaroon ng internship sa mga nangungunang nuclear technology firms.
Ang programang ito ay bahagi ng Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) initiative ng Meralco na pangunahing hakbang ng kumpanya para maisama ang nuclear power sa Philippine energy mix bilang long-term, low-carbon energy solution.
“Sa pamamagitan ng FISSION program, ini-invest namin ang kinabukasan ng enerhiya sa bansa. Nilalayon naming ihanda ang mga Pilipinong inhinyero sa paggamit ng nuclear power sa ligtas, maaasahan, at sustainable na paraan,” pahayag ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho. (MINA PADERNA)
