Ayaw ni Marikina Mayor Maan Teodoro na salubungin ng walang patak ng tubig ang Pasko ng mahigit 3,000 residente ng Barangay Tumana.
Kaya naman iniutos ng alkalde ang agarang paglalaan ng P15 milyon upang pansamantalang mabayaran ang utang ng barangay sa Manila Water at maibalik ang suplay ng tubig bago mag-Pasko.
“Hinding-hindi ko hahayaan na mag-Pasko ang mga taga-Tumana na walang tubig,” mariing pahayag ni Mayor Maan.
Nanawagan ang alkalde sa Sangguniang Panlungsod na madaliin ang pagpasa ng ordinansa para sa pag-apruba ng pondo matapos putulin ng Manila Water ang linya ng tubig sa Tumana noong Disyembre 18, 2025.
Ayon kay Mayor Maan, ang hakbang ay isang agarang interbensyon para mabigyan ng ginhawa ang mga residente habang sinisiguro ang tamang paggamit ng pondo ng bayan.
“Hindi lang ito tungkol sa pera. Ito ay tungkol sa kalusugan, dignidad, at karapatan ng bawat Marikeño,” diin ng alkalde.
Lumabas sa ulat na umabot sa P37,192,199.98 ang umano’y hindi naipasa na bayad sa tubig ng mga opisyal ng Barangay Tumana, dahilan upang putulin ng Manila Water ang serbisyo sa lugar.
Dahil dito, nangako si Mayor Maan na may mananagot.
“Hahanapin at papanagutin natin ang mga responsable. Hindi dapat magdusa ang mga taga-Tumana dahil sa pagkukulang ng iilan,” giit niya.
Iginiit din ng alkalde na may legal at moral na obligasyon ang lokal na pamahalaan, alinsunod sa Local Government Code, na protektahan ang kapakanan ng mamamayan lalo na sa krisis na direktang tumatama sa pang-araw-araw na buhay. (Arnold Pajaron Jr)
