Photo: DepEd
NANAWAGAN si Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro sa mga qualified professional na mag-apply bilang full-time school guidance counselors upang palakasin ang mental health support at proteksyon para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Kasunod ito ng inilabas na anunsyo ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) ng Marikina City para sa 31 bakanteng posisyon ng School Counselor Associate I na itatalaga sa 33 pampublikong paaralan sa lungsod (17 elementarya at 16 sekondarya).
Ayon kay Mayor Maan, bahagi ito ng proactive na layunin ng pamahalaang lungsod na maiwasan ang krimen sa mga kampus, mapangalagaan ang well-being ng mga mag-aaral, at matiyak na nananatiling ligtas na lugar para sa pag-aaral ang mga paaralan sa Marikina.
Binigyang-diin ni Schools Division Superintendent Alejandro Ibañez na mahalagang mga lisensyadong propesyonal ang humawak sa mga posisyong ito kumpara sa kasalukuyang set-up na mga designated guidance teachers lamang ang gumaganap sa tungkulin kahit may hawak silang teaching load.
Pangunahing tungkulin ng mga kukunin na counselor associate ang pagbuo ng intervention programs para sa mga behavioral problems ng mga estudyante, pagtukoy sa maagang palatandaan ng mental health issues, at pakikipagtulungan sa mga guro upang maiwasan ang anumang insidente ng karahasan sa paaralan.
Mula noong Hulyo, nagpadagdag na ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan ng pulisya at Office of Public Safety and Security (OPSS), kasama ang paglalagay ng metal detectors sa mga paaralan.
Gayunman, iginiit ng alkalde na ang tunay na seguridad ng mga kabataan ay hindi lamang nagtatapos sa physical security kundi sa masiglang paggabay ng buong komunidad at pamilya.
