Nagsasagawa ng mga adjustment sa imprastraktura ang Manila Water upang suportahan ang underground railway project ng national government, habang tiniyak na tuloy-tuloy at walang abala ang serbisyo ng tubig at wastewater sa mga komunidad.
Patuloy ang pagpapabilis ng Manila Water sa paglilipat ng critical water and sewer infrastructure na naapektuhan ng Metro Manila Subway Project (MMSP) ng Department of Transportation (DOTr).
Ang 17-station subway project, na bumabaybay mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ay itinuturing na isa sa mga pinakamahalagang proyekto sa transportasyon ng pamahalaan upang mabawasan ang trapiko sa Metro Manila.
Upang maiwasan ang abala sa serbisyo ng tubig habang isinasagawa ang konstruksyon ng unang underground rail system sa bansa, kasalukuyang tinatapos ng Manila Water ang paglilipat ng mga pasilidad sa apat na pangunahing istasyon.
Nasa 67% na ang paglilipat at pagkakabit ng 600-millimeter steel pipeline para sa Shaw Station sa Meralco Avenue corner Shaw Boulevard sa Pasig City.
Samantala, target namang matapos ngayong September 2026 ang paglilipat ng sewer line para sa Anonas Station sa Quezon City, habang inaasahang matatapos sa October 2026 ang relocation ng water at sewer facilities sa East Avenue Station sa V. Luna Road, Barangay Pinyahan.
Nakatakda rin matapos sa huling bahagi ng October 2026 ang paglilipat ng dalawang meter set assembly sa Ortigas Station sa Ortigas Avenue corner Meralco Avenue.
Binigyang-diin ng kumpanya na mahalaga ang mga hakbang na ito upang hindi maantala ang subway construction habang pinapanatili ang maaasahang serbisyo sa mga customer sa East Zone.
“These infrastructure adjustments are essential not only to accommodate a major national transport project but also to ensure that our customers continue to receive reliable water and wastewater services throughout the construction period,” pahayag ni Dittie Galang, Manila Water Corporate Communications Group Head.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Manila Water sa DOTr at mga kontraktor upang matiyak na ligtas at mabilis na matatapos ang paglilipat ng mga pasilidad nang may kaunting abala sa publiko.
