Pinasok ng Maynila ang global academic map matapos makuha ang ika-88 pwesto sa 2026 QS Best Student Cities Ranking ng international education analyst na Quacquarelli Symonds (QS).
Batay sa ulat nitong Huwebes, kabilang sa mga isinasaalang-alang sa ranking ang academic reputation, diversity ng estudyante, affordability, at employability.
Nakakuha ang Maynila ng overall score na 63.9, kung saan nangibabaw ito sa kategoryang affordability (85.3) at employer activity (68.4)—mahahalagang aspeto para sa mga lokal at internasyonal na estudyante.
May student view score na 57 rin ang lungsod, na nagpapakita ng positibong pananaw ng mga estudyante sa kanilang karanasan sa Maynila.
Gayunman, bumaba ang Maynila sa mga kategorya ng student mix (31.2) at desirability (37.2), na sumasalamin sa kalidad ng pamumuhay at bilang ng international students.
Kabilang sa mga pangunahing unibersidad na nag-angat sa ranggo ng Maynila ang University of the Philippines (UP) at Ateneo de Manila University.
Kasabay ng pagsama ng Maynila sa listahan, umangat din ang iba pang Asian cities. Sa unang pagkakataon, Seoul ang nanguna sa buong mundo, sinundan ng Tokyo at London.
Kabilang sa top 10 Best Student Cities 2026 ay ang Seoul, Tokyo, London, Munich, Melbourne, Sydney, Berlin at Paris (tie), Zurich at Vienna
Ayon sa QS, ang pag-akyat ng mga lungsod sa Asya ay nagpapakita ng pagbabago sa pandaigdigang edukasyon, kung saan hinahamon na ng mga emerging hubs ang matagal nang dominasyon ng mga kanluraning bansa.
Sa kabuuan, 150 lungsod mula sa 58 bansa ang sinuri para sa QS Best Student Cities Ranking, gamit ang anim na batayan: University Rankings, Student Mix, Desirability, Employer Activity, Affordability at Student Voice.
Ang QS Best Student Cities Ranking ay isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang listahan ng mga estudyante, guro, at policymakers sa buong mundo pagdating sa pagpili ng study destination.
