April 27, 2024

Mangingisda, vendor, 3 pa tiklo sa Navotas buy bust

SWAK sa kulungan ang limang hihinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Nabotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek bilang si Jayson Mallari, 34, Jhomel Carig, 28, at Jopeter Macapagal, 26, pawang residente ng lungsod.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-11;15 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr sa Dalagang Bukid St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bintahan ni Mallari at Carig ng P300 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagawang makipagtransaksyon sa kanila.

Ani PSSg Jaycito Ferrer, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 2 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P13,600 at buy bust money

Bandang alas-12:40 naman ng madaling araw nang masakote din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa S. Roldan St., Brgy. Tangos South si Josefino Leaño alyas “Jojit”, 49, mangingisda at Evangeline Polo alyas “Vangie”, 46, (Pusher/Listed), vendor.

Nakuha sa kanila ang nasa 1 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P6,800 ang halaga at P300 buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.