May 4, 2024

Mangingisda sugatan sa pananaksak sa Navotas

MALUBHANG nasugatan ang isang mangingisda matapos pagsasaksakin ng isang lalaki sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Tondo General Hospital sanhi ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Arnold Fatagani, 37 ng Pescador St., Brgy. Bangkulasi.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Navotas police habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilala bilang si Adonis Canoy, 26 ng R-10 Sitio Puting Bato, Brgy. NBBS Proper.

Sa report ni PSSg Karl Benzon Dela Cruz kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Road -10 NBBS Proper papunta sa kanyang trabaho dakong alas-11:30 ng gabi nang bigla na lamang siyang hinarang ng suspek.

Naglabas ng isang screw driver ang suspek at bigla na lamang inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima na tinangka pa niyang pigilan subalit, patuloy siyang inuundayan ng saksak ni Canoy.

Ilang concerned citizens ang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Sttion 4 na agad namang rumesponde sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang isinugod naman ang bitktima sa naturang pagamutan.