April 30, 2024

Mangingisda binoga sa ulo, kritikal

NASA kritikal na kondisyon ang isang mangingisda matapos barilin sa ulo ng kabarangay habang natutulog sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Patuloy na nakikipaglaban sa kamatayan sa Navotas City Medical Hospital si Aris Azul, 35,residente ng Kapalaran St. Brgy. San Roque sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Navotas police habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na nakilalang si Arnold Manggalo, 43, ng Everlasting St., ng naturang ding barangay.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, natutulog sa isang waiting shed sa Leongson St. Badeo-4, Brgy. San Roque si Azul nang dumating ang suspek dakong alas-6:30 ng umaga at kaagad pinutukan ng sumpak sa ulo ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek subalit, nadakip din siya follow-up operation ng mga tauhan ng Navotas Sub-Station 2 habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng suspek sa pamamaril sa biktima.