May 10, 2024

Magtiyuhin patay sa panlalaban pulis sa Malabon

Kapwa namatay ang isang magtiyuhin matapos makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing mga suspek na sina Nolito Cimanes, alyas “Koping” at kanyang pamangkin na si Manuel Cimanes, 34, construction worker at kapwa ng 444 Gulayan St. Brgy. Catmon.

 Batay sa report, dakong alas-10:45 ng gabi nang respondehan ng mga tauhan ng Malabon Police Intelligence Unit ang natanggap na tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagpaputok ng baril sa Gulayan St., Brgy. Catmon.

Pagdating sa lugar, nakita ng mga pulis si Nolito na may hawak na baril at nang mapansin ng suspek ang mga parak ay kaagad niya itong pinaputukan habang naglabas din ng isang granada si Manuel.

Para ipagtanggol ang kanilang sarili, gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa tamaan sa katawan ang mga suspek bago pa man maihagis ni Manuel sa kanila ang hawak nitong granada.

Matapos ang insidente, isinugod ng mga pulis sa Ospital ng Malabon ang mga suspek subalit, idineklarang dead on arrival ang mga ito sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan. Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO at EOD team sa crime scene ang isang M26 fragmention hand grenade, cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala at dalawang basyo ng bala, itim na sling bag na naglalaman ng tatlong sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu, P170 cash at anim na basyo ng bala ng cal. 9mm.