May 11, 2024

MAGSASAKA BINARIL, PINUGTAN NG ULO SA SAMAR

GANDARA, SAMAR – Patay ang isang 34-anyos na magsasaka matapos barilin at pugutan pa ng ulo sa nasabing bayan.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Christopher Wahingon, residente ng Barangay San Francisco.

Dakong alas-8:00 ng umaga noong Miyerkoles nang matagpuan ang katawan ng biktima.

Nasa anim na katao na may bitbit na mataas na kalibre ng baril ang nakita sa barangay bago ang shooting incident.

Nakita silang papunta sa sakahan ng biktima, ayon sa pulisya.

Sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa barangay dakong alas-2:00 ng hapon, dagdag ng pulisya.

Kinabukasan ay narekober na lamang ang bangkay ni Wahingon malapit sa ilog na tadtad ng bala sa katawan subalit nawawala ang ulo nito.

Matapos ang ginawang operasyon ng mga kapulisan ay hindi pa rin natagpuan ang ulo ng biktima.

Isa sa mga tinitingnang anggulo sa karumal-dumal na krimen ay personal na away sa pagitan ng biktima at ng mga suspek.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang maaresto ang nasa likod ng krimen.