May 5, 2024

MAGING MABUTI NAWA SA ATIN ANG TAONG 2022

Mga Ka-Sampaguita, binabati ko kayo ng Manigong Bagong Taon. Nawa’y ang taong 2022 ay maging mabuti sa ating lahat. Na ayon sa Chinese Zodiac, ito ay taon ng Tigre o ‘Year of the Tiger’.Anuman ang di magandang nangyari sa maiiwan nating taon ng 2021, kalimutan na natin. Bagkus, kahit papano ay may maganda itong naidulot.

Dahil nagiging matatag at matibay tayo sa mga pagsubok. Gaya ng isang agila. Na sa kabila ng unos ay patuloy sa pagpagaspas. Marahil naitatanong ng ilan, ano kaya ang mangyayari sa susunod na taon? Hindi natin alam.

Pero, umasa tayo at magtiwala sa Maykapal. Sa gayun ay makayanan pa natin ang mga susunod na hamon ng buhay. Siguro, ang tinatanong ng ilan, sino kaya ang mga mananalo sa 2022 national elections?

Maibabalik pa kaya ang prangkisa ng Kapamilya Network? O may bagong ipasasarang istasyon dahil lumalabag sa batas? Lalala pa kaya ang COVID-19 o magkakaroon ng bagong variant? May ECQ o lockdown na naman kapag dumami ang kaso ng Omicron variant? ‘O matatapos na ang pamemerwisyo nito?

Sinu-sino ang mamamayagpag sa sports, mga sikat na personalidad na ikakasal? Artistang magdadalang-tao, mga bagong sisikat at iba pa? Ilang bagyo pa ang tatama sa atin ng matindi?

Huwag naman sana. Dalawang taon na tayong nagdurusa sa pandemya. Sana’y okay na itong 2022. Kahit papaano ‘e pakamigin na tayo sa taong ito. Sana all, maging masaya lahat. Gayunman, laging mapagmatyag, alerto at maging handa. Happy New Year po sa ating lahat.