May 18, 2024

Magandang fish vendor, pinupog ng halik ng empleyado ng gobyerno

ARESTADO ang isang government employee matapos pupugin ng halik ang 18-anyos na magandang fish vendor makaraang yakagin ang biktima sa loob ng kanilang bahay sa Valenzuela city.

Dakong alas-7:00 ng umaga, kasama ng biktimang itinago sa pangalang Angel, estudyante, ang kanyang ama habang naglalako ng panindang isda sa kahabaan ng Martina St. nang tawagin ng suspek na si Ericson Brazas, 56, at sinabihang pumasok sa kanilang bahay sa Block 1 Brgy. Coloong I dahil bibili umano ng isda ang kanyang asawa.

Sumunod naman ang biktima sa pag-aakalang bibili ng isda ang misis ng suspek subalit pagpasok niya sa loob ng bahay, bigla siyang niyapos nang mahigpit ni Brazas at pinanggigilang pupugin ng halik ang kanyang leeg at pisngi.

Pumalag at nagpumiglas ang biktima saka malakas na itinulak ang suspek bago nagtatakbong palabas ng bahay saka nagsumbong sa kanyang ama.

Kaagad na humingi ng tulong ang mag-ama sa Valenzuela Police Sub-Station na nagresulta sa pagkakadakip kay Brazas na nahaharap ngayon sa kasong Acts of Lasciviousness.