Photo: LTO Region 1 Drive Better to Enjoy Safe Travel/FB
Mas pinalakas pa ng Land Transportation Office (LTO) Region I ang mga paghahanda nito para sa 2026 Citizen Satisfaction Survey (CitSat) matapos isagawa ang isang ocular inspection at site visit kasama ang kinatawan ng Development Academy of the Philippines (DAP) noong Oktubre 15, 2026.
Ito ay upang tiyaking nananatiling nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan.
Pinangunahan ang inspeksyon sa LTO San Fernando Licensing Center, San Fernando District Office, at Operations Division upang suriin ang kahandaan ng mga naturang tanggapan para sa nalalapit na survey.
Laman ng survey na ito ang mga komento at karanasan ng mga kliyente ukol sa kalidad at bilis ng serbisyo ng ahensya.
Sa ilalim ng pamumuno nina Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez at Assistant Regional Director Engr. Eric C. Suriben, patuloy na isinusulong ng LTO Region I ang kultura ng pananagutan, transparency, at tuluy-tuloy na pagpapabuti ng serbisyo.
Naniniwala ang pamunuan na mahalagang instrumento ang feedback ng publiko upang matukoy ang mga kakulangan at matugunan ang mga pangangailangan ng mga nagpapadokumento at nagpoproseso sa kanilang tanggapan.
Dadalhin ng mga lalabas na resulta ng CitSat ang gabay kung aling mga bahagi ang kailangang ayusin, pati na rin ang pagbuo ng mga angkop na hakbang upang mas maging mabilis, madaling lapitan, at nakatutugon ang kanilang tanggapan.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, muling pinagtibay ng LTO Region I ang dedikasyon nitong itaguyod ang serbisyong nakatuon sa tao, linsunod sa layunin ng pambansang pamahalaan na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
