May 4, 2024

LTO NATANGGAP NA ANG 5K PLASTIC CARDS PARA SA DRIVER’S LICENSE

NATANGGAP na ng Land Transportation Office (LTO) ang unang batch ng plastic cards para sa driver’s licenses mula sa kanilang supplier na Banner Plasticard, Inc.

Pinangunahan ni DOTR Transportation Secretary Jaime Bautista at bagong LTO chief na si Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang pagtanggap ng 5,000 license cards sa ginanap na seremonya sa LTO main office sa Quezon City.

Ang unang batch ng license cards ay idi-distribute para sa mga overseas Filipino workers at bagong driver’s license applicants.

Ayon sa LTO, inaasahan nitong makukumpleto na ang nasa 1 milyong cards mula sa Banner Plasticard, Inc. sa susunod na 60 araw.

Una nang sinabi ni DOTR Sec. Bautista na maaaring magtungo na sa mga tanggapan ng LTO simula sa Agosto hanggang Setyembre ang mga motoristang naisyuhan ng paper license para maipapalit ito sa physical license cards.