May 18, 2024

Lolo dedo sa bangga ng motor

PATAY ang isang matandang lalaki matapos mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kahabaan ng Roade 10, sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Danilo Lopez, 74, residente ng Mabical, Floridablanca, Pampanga.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Navotas police habang nahaharap sa kaukulang kaso ang driver ng Yamaha Nmax (873NFA) na kinilalang si Manuel Oginal Jr., 36, messenger at residente ng Blk 29 Lot 18 Cherokee St., Menzyland, Mojon, Malolos Bulacan.

Sa report ni PCpl Florencio Nalus kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, tinatahak ni Oginal sakay sa kanyang motorsiklo ang kahabaan ng Road 10, patungong Manila area subalit, pagsapit sa corner Lapu-Lapu St., Brgy., NBBS Proper dakong alas-8:30 ng umaga ay aksidente nitong nabangga ang biktima na tumatawid sa naturang lugar.

Kaagad na isinugod ang biktima sa naturang pagamutan habang inaresto naman si Oginal ng tauhan ng POSO ng Navotas City na rumesponde sa lugar bago tinurn-over sa pulisya.