May 14, 2024

LOLA TODAS SA SAGASA NG MOTORSIKLO

Nasawi ang isang 69-anyos na lola matapos salpukin ng isang motorsiklo habang tumatawid ang biktima sa kalsada sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay si Guadalupe Agpalo, 69 ng 497 Camia St. Malaria, Tala Brgy. 185 habang ginagamot sa East Avenue Medical Center sa Quezon City sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at kawan.

 Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si John Angelo Ranille,20, driver ng SkyGo SG motorcycle at residente ng 27 Camia St. Malaria, Tala.

Ayon kay Caloocan police traffic investigator P/Cpl. Froilan Dela Rosa, binabagtas ni Ranille ang kahabaan ng Malaria Road dakong 7 ng gabi nang mabangga nito ang biktima na tumatawid malapit sa corner Tabon St., Brgy. 185 Tala.

Sa lakas ng impact, bumagsak ang biktima sa kalsada na naging dahilan upang mabilis na isinugod sa naturang pagamutan habang kusang loob naman na sumuko sa pulisya si Ranille.