May 18, 2024

Lola, 3 pa nasakote sa buy bust sa Caloocan

SHOOT sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang 63-anyos na lola matapos madakma sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Rogelio Arias alyas “Buda”, 52, (pusher), Normita Banzon alyas “Mita”, 63, Karen Pino, 38, at Edlyn Pagtalunan, 41.

Ayon kay Col. Mina, isinailalim ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isang confirmation at validation ang mga suspek matapos ang natanggap nilang impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y illegal na drug activities ng mga suspek.

Nang magpositibo ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 6th MFC-RMFB ang buy-bust operation sa No. 143, 3rd Avenue, BMBA Compound, Barangay 120 dakong alas-11 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nasamsam sa mga suspek ang humigi’t-kumulang 8 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P54,400.00, marked money at ilang drug paraphernalias.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.