May 16, 2024

LIBRENG SAKAY SA MGA ESTUDYANTE HANDOG NG PCG SA PAGSISIMULA NG KLASE

NAGBIGAY ng libreng sakay para sa mga estudyante ang Philippine Coast Guard (PCG) ngayong unang araw ng klase.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, dalawa hanggang tatlong Coast Guard buses ang i-de-deploy mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ito’y para maserbisyuhan ang mga estudyante sa Quezon City at Maynila.

Mula Quezon City Hall, bibiyahe ang mga Coast Guard buses para magsakay ng mga pasahero papuntang University Belt sa España, Maynila kung saan iikot din ang mga sasakyan sa Luneta Park bago bumalik sa Quezon City.

Sa pahayag ni Admiral Abu, simpleng tulong nila ito sa mga estudyante sa pagsisimula ng School Year 2022-2023 kung saan kahit papaano ay nais nika masuportahan ang mga kabataan sa pagbabawas ng gastusin sa unang araw ng klase.

Paalala naman ni Admiral Abu sa mga estudyanteng sasakay ng Coast Guard buses, panatiliin ang pagsusuot ng face mask at laging magdala ng alcohol para maprotektahan ang kanilang sarili sa banta ng COVID-19. Nabatid na maliban sa mga estudyante, binuksan na rin ang mga Provincial City Buses sa mga empleyadong papasok sa kani-kanilang trabaho ngayong araw.

Matapos isakay ang lahat ng estudyanteng naaabutan sa daan, isinasakay na rin ng mga Coast Guard personnel ang ibang pasahero para makabawas kahit papaano sa kanilang pamasahe.