QUEZON CITY – Maagang pumila ang mga kwalipikadong Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa Quezon Memorial Circle ngayong Martes, ika-24 ng Marso, para sa pormal na pamamahagi ng P5,000 cash aid sa ilalim ng fuel subsidy program ng DSWD at LTFRB.
Target ng nasabing programa na mabigyan ng ayuda ang humigit-kumulang 8,200 drivers upang maibsan ang bigat ng mataas na presyo ng petrolyo.
Ang distribusyon ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Isa sa mga masuswerteng naunang nakatanggap ay ang driver na si Joseph Pelaris, na buong pagmamalaking ipinakita ang kanyang P5,000 cash matapos ang proseso.
Ayon sa mga driver, malaking tulong ang halagang ito para sa kanilang pang-araw-araw na pasada at panggastos ng kanilang pamilya.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na maayos ang daloy ng pila sa Quezon Memorial Circle sa kabila ng dagsa ng mga tao upang masiguro na lahat ng nasa listahan ay makakakuha ng kanilang nararapat na ayuda.
