Pinangunahan nina DPWH Secretary Vince Dizon at MMDA Chairman Don Artes ang mahalagang pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) ngayong Martes, ika-24 ng Marso, 2026, na ginanap sa MMDA Head Office.
Layunin ng nasabing pagtitipon na plantsahin ang mga polisiya na direktang makaaapekto sa daloy ng trapiko at kaligtasan sa buong kalakhang Maynila sa ilalim ng masusing koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa agenda ang pagrerepaso sa truck ban upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing lansangan, pati na rin ang panukalang exemption ng mga fuel trucks mula sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding upang matiyak ang sapat na suplay ng petrolyo sa rehiyon.
Binigyang-diin din sa pulong ang implementasyon ng Oplan Kontra Baha, isang malawakang programa para sa Greater Metro Manila na naglalayong ihanda ang mga pumping stations at linisin ang mga daluyan ng tubig bago ang panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Sec. Dizon, mahalaga ang pagkakaisa ng DPWH at ng MMC upang masiguro na magiging epektibo ang lahat ng proyektong pang-imprastraktura at flood control sa bansa.
Inaasahang maglalabas ng pormal na resolusyon ang MMDA sa mga susunod na araw hinggil sa mga napagkasunduang hakbang upang agad na maipatupad ang mga bagong regulasyon sa kalsada.
