May 2, 2024

LIAISON OFFICER NA KILALANG MAINGAY SA SOCIAL MEDIA TINODAS SA BATANGAS

Batangas City – Dead on the spot ang isang babaeng biktima nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek na sakay ng isang hindi naplakahan na motorsiklo bandang alas-5:30 ng hapon nitong Lunes sa Brgy. Haligue Kanluran ng nasabing siyudad.

Kinilala ang biktima na si Mary Ann Populi alyas Mheann, 32, may live in partner at kasalukuyang, residente sa parehong lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon na ipinadala ni Batangas City chief of police PLtCol. Gerry Laylo sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), isang tawag sa telepono ang kanilang natanggap galing sa isang concerned citizen tungkol sa nangyaring shooting incident.

Agad naman pinuntahan ng mga pulis ang lugar para magimbestiga at doon nalaman ng mga awtoridad na angkas ng isang motorsiklo ang biktimang si Pupuli na minamaneho ng kanyang live-in partner, pauwi ng kanilang tahanan nang sundan ng isang hindi kilalang suspek na nakasuot ng black jacket, black bonnet, helmet at maong pants na sakay naman ng isang Enduro motorcycle at pinaputukan sa ulo at katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Mabilis naman tumakas ang salarin patungo sa hindi pa tukoy na direksyon.

Inaalam na ngayon ng pulisya ang dahilan kung ano ang posibleng motibo sa nangyaring pamamaslang sa biktima na kilala rin na walang takot pumuna at mag-post sa social media. (KOI HIPOLITO)