Inihayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste noong Biyernes na ang umano’y ₱360-milyong alok na suhol sa kanya mula kay DPWH Batangas District Engineer Abelardo Calalo ay may kaugnayan sa mga donasyon ng kontratista at may kasamang resibo.
Ayon kay Leviste, ipinapakita ng dokumento ang tatlong kontrata na nagkakahalaga ng ₱104,230,000, na may handwritten note: “3% 3,126,900.00.”
Ani Leviste, tila hindi isinama ni Calalo sa kanyang affidavit ang ibang kontratista na handang magbigay ng paunang P15 milyon, at marami pang iba ang handa ring magpadala ng suporta.
“It seems DE omitted from his affidavit that he named another contractor who was willing to give an initial P15M and that he spoke with many others who were also ready and willing na magpadala ng suporta,” paliwanag ni Leviste.
Hinamon ni Leviste si Calalo na huwag ipasa ang sisi at ilahad ang “long list” ng mga kontratista at project proponents na umano’y handang magbigay ng suporta, pati na rin ipaliwanag kung paano pinipili ang mga kontratista sa mga proyekto sa Batangas’ 1st District.
Samantala, sinabi ng abogado ni Calalo na si Raymund Fortun na ang kaso ay usapin ng instigation at hindi entrapment, at iginiit na ang kanyang kliyente ay napilitan sa kilos nang siya’y arestuhin.
“Engineer Calalo has denied the allegation that he tried to bribe Congressman Leviste,” ayon kay Fortun sa radio dzBB.
