November 17, 2024

Leni Robredo, Raffy Tulfo naungusan… VP SARA DUTERTE TOP PRESIDENTIAL BET SA 2028 – SWS

Muling nanguna si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga kandidato na napipisil na humalili kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028 ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).

Isinagawa ang survey mula April 15 hanggang 18 at kinomisyon ni dating PG Marketers’ Association party-list Rep. Arnel Ty, base sa SWS nitong Linggo.

Sa 1,200 respondents na lumahok sa SWS survey, 28 porsyento ang nagsabing iboboto nila si Duterte, 11 porsyento ang nagsabing si Senator Raffy Tulfo, at 6 porsyento ang naghayag ng suporta para kay Leni Robredo.

Pasok din sa listahan sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa ika-apat na pwesto (3 porsyento), dating Senator Manny Pacquiao (2 porsyento), Senator Robin Padilla (2 porsyento), dating Manila Mayor Isko Moreno (1 porsyento), Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (1 porsyento), Senator Imee Marcos (1 porsyento), at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos (1 porsyento).
Samantala, 41 porsyento ng respondents sa buong bansa ang hindi pumili ng kandidato o hindi sigurado kung sino ang iboboto.

Sinabi ng SWS na ginamit sa national survey ang face-to-face computer-assisted personal interviews sa 1,200 adults sa buong bansa— tig-300 sa Metro Manila, Balance of Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang sampling ay mayroong error margin na ±3% para sa national percentages at ±6% para sa Metro Manila, Balance of Luzon, Visayas, at Mindanao.