Nanawagan si Senator Loren Legarda ng agarang solusyon sa matinding siksikan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Bill No. 2397 o ang proposed Public School Class Size Act.
Batay sa pag-aaral ng PIDS at EDCOM II, bagamat bumaba ang pambansang average ng student-to-classroom ratio, nananatiling congested ang maraming paaralan sa NCR, Calabarzon, SOCCSKSARGEN, at BARMM kung saan umaabot pa sa mahigit 60 learners ang nagsisiksikan sa iisang kuwarto.
Dahil dito, itinatakda ng panukalang batas ang standard na 35 estudyante at maximum na 50 learners bawat klase upang maiwasan ang kawalan ng pokus sa pagtuturo at labis na pagod ng mga guro.
Ipinaliwanag ni Legarda na kasabay ng limitasyon sa class size ay dapat may kasamang limang taong phased implementation at pambansang plano ang DepEd, DBM, at DPWH para sa pagpapatayo ng mga dagdag na silid-aralan at pagkuha ng karagdagang guro.
Magkakaloob din ng karagdagang allowance o sweldo para sa mga gurong lalagpas sa 35 estudyante ang hawak na klase.
