Ginunita ng pamilya Aquino ang ika-43 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa pamamagitan ng isang Banal na Misa na ginanap sa kanilang family tomb sa Manila Memorial Park noong Biyernes, Agosto 21, 2026.
Dumalo sa pagtitipon ang kaniyang mga anak na sina Ballsy Aquino-Cruz at Viel Aquino-Dee, kasama ang kani-kanilang mga anak na sina Kiko at Bimby.
Sa kaniyang homiliya, binigyang-diin ni Fr. Dom Joseph Bulan, SJ, na ang pagpapatayo ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa pagbabago ng sistema kundi sa pagkilala sa dignidad ng bawat Pilipino bilang kapwa.
Nagpaalala rin ang pari na huwag hayaang mamatay ang pag-asa sa gitna ng mga hamon at polarisasyon sa lipunan, habang nanawagan naman si Bimby sa mga kabataan na magsaliksik ukol sa tunay na kasaysayan noong panahon ng Martial Law.
Bago ang Misa, binisita rin ng pamilya Aquino ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kung saan inilipat ang kaniyang historical marker sa may arrival curbside sa harap mismo ng pangalan ng airport.
Pinangunahan ni New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) President at CEO Ramon S. Ang ang pagsalubong sa pamilya sa bagong lokasyon ng marker.
