ISINELDA ang 33-anyos na lalaki na wanted sa kasong Rape matapos maaresto sa pinaigting na manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City, Linggo ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na ang akusado na si alyas “Boy” ay nakatala bilang Ranked No. 4 Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito, agad ikinasa ng pinagsamang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section, at Women and Children Protection Desk (WCPD) ang operation laban sa kanya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga pulis dakong alas-5:00 ng hapon sa Jeremias Street, Barangay Karuhatan kung saan gumamit ang mga ito ng Body-Worn Camera (BWC) sa operation bilang bahagi ng dokumentasyon.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 171, Valenzuela City, noong September 24, 2026 para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay Col. Talento, patuloy na paiigtingin ng VCPS ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted na indibidwal at ang pagpapatupad ng mga kautusan ng korte, alinsunod sa batas at tamang proseso.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Valenzuela City Police Station, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa komunidad at matiyak na ang mga taong may kinakaharap na kaso ay haharap sa kaukulang proseso ng batas. (JUVY LUCERO)
