April 29, 2024

LALAKING NAKIPAGBARILAN SA CALOOCAN POLICE, PATAY

Todas ang isang 22-anyos na lalaki matapos makipagbarilan sa pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Ayon sa report, nagsasagawa ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12 ng detective patrol sa kahabaan ng Phase 9, Langit Road, Brgy. 176, Bagong Silang dakong 5:30 ng hapon nang maispatan ni P/Cpl. Leobert Rivera si Anlou Resusta, ng Phase 8, Bagong Silang na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang habang sakay ng isang motorsiklo.

Sinita ni PCpl. Rivera si Resusta subalit, sa halip na huminto ay biglang pinaharurot ng suspek ang kanyang minamanehong motorsiklo na naging dahilan upang habulin siya ng pulis.

Nang mapansin ng suspek na hinahabol siya ng pulis, binunot nito ang kanyang baril at pinaputukan si Cpl. Rivera na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok ang parak hanggang sa tamaan sa katawan si Resusta.

Isinugod ang suspek ng mga tauhan ng SS-12 sa Bermudez Hospital subalit, kalaunan ay inilipat ito sa Caloocan City North Medical Center kung saan siya idineklarang dead-on-arrival sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Narekober ng mga tauhan ng Northern Police District-Crime Laboratory Office (NPD-CLO) na rumesponde sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng caliber .9mm pistol habang ang Armscor .9mm pistol na may magazine at kargado ng limang bala ay nakuha naman sa nasawing suspek.

Inaalam na ng pulisya kung may criminal background ang nasawing suspek.