May 17, 2024

Lalaking magaling sa bilyar, tinaniman ng bala sa ulo

NAARESTO ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa 25-anyos na magaling sa larong bilyar habang nakikipag-inuman sa kanyang mga ka-tropa sa Malabon City.


Maliban kay alyas “Raffy”, 43, ng Dumpsite, Sitio 6, Brgy. Catmon, binitbit din ng pulisya, ang kanyang kainuman na si alyas “Roque”, 31, nang pumapel at tinangkang pigilan ang mga pulis sa lehitimong operasyon.


Lumabas sa imbestigasyon, naganap ang insidente habang naglalaro ng bilyar ang nasawing si alyas ‘Kirk’ at 23-anyos na testigong si alyas “Jayson” noong Sabado ng gabi sa Pisaca Sitio 6, Brgy, Catmon.


Sa ulat, bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .45 baril at malapitang pinaputukan sa ulo ang biktima sa harap mismo ng kanyang kalarong testigo. Naisugod pa ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay.

Sa pahayag ng live-in partner ng biktima, bago nangyari ang pagpatay ay nanalo pa umano sa larong bilyar ang kanyang kinakasama pero humirit ang kalaro ng isa pa subalit, tinanggihan na ng biktima.

Dahil sa impormasyong ibinigay sa pulisya ng testigo, walang humpay na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya hanggang matunton ang suspek habang nakikipag-inuman sa Dumpsite Sitio 6 noong Linggo ng gabi na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sinampahan na ng pulisya ng kasong murder ang suspek at obstruction of justice naman kay ‘Roque’ sa Malabon City Prosecutor’s Office habang isinailalim pa sa ballistic examination ang isang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola na nakuha sa crime scene.