REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang mister matapos isumbong sa mga pulis na may dalang baril habang gumagala sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth kaugnay sa isang lalaki na armado umano ng baril habang pagala-gala sa Crispulo St., Brgy., 180.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 15 hanggang sa maispatan nila ang isang lalaki na tumutugma sa inilarawan ng caller at may bitbit umanong baril dakong alas-10:30 ng gabi.
Maingat nilang nilapitan ang suspek bago sinunggaban sabay nagpakilala bilang mga pulis saka kinumpiska ang hawak nitong isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Nang walang maipakitang kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay pinosasan ng mga pulis ang 55-anyos na mister saka binitbit.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (JUVY LUCERO)
