IDINEKLARA ni Marikina Mayor Maan Teodoro ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan sa Lunes at Martes, Oktubre 13 at 14, 2025.
Ayon sa alkalde, ipatutupad ang dalawang araw na health break bilang maagang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng flu at mga flu-like illnesses na iniulat sa ilang paaralan sa lungsod.
Batay sa rekomendasyon ng City Health Office, layunin ng hakbang na mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at kawani.
Kasabay ng dalawang araw na pahinga, magsasagawa ang mga school personnel ng malawakang paglilinis at disinfection sa mga silid-aralan at pasilidad upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga estudyante sa klase.
“Ang health break na ito ay isang preemptive measure para maprotektahan ang ating mga kabataan at mga guro laban sa sakit,” pahayag ni Mayor Maan Teodoro.
Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga residente na manatili sa bahay kung may nararamdamang karamdaman, magpahinga, uminom ng maraming tubig, at agad na magpakonsulta sa doktor kung kinakailangan. (ARNOLD PAJARON JR)
