ARESTADO ang isang construction worker na wanted sa kaso ng pagpatay sa Lungsod ng Malabon nang matunton ng pulisya sa kanyang hideout sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa Bulacan ang akusadong si alyas “Boy Bulag”, 34, at residente ng Sitio 6, Gov. Pascual, Brgy. Catmon ng lungsod.
Ani Umipig, si alyas Bulag ay nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Malabon CPS kaya agad nilang ikinasa ang operation laban sa akusado.
Bandang alas-10:15 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS ang akusado sa Sitio Galas, Barangay Balasing, Sta. Maria Bulacan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 169, Malabon City noong April 11, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa, inaresto ng mga tauhan ni Col. Umipig si alyas Bulag.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte na nag-isyu ng warrant. (JUVY LUCERO)
